*Cauayan City, Isabela-* Binigyan na ng palugit ng lokal na pamahalaan ng Cauayan ang ilang vendor’s na maaapektuhan sa isasagawang Road Clearing operations ng mga kinauukulan sa Lungsod ng Cauayan.
Simula sa darating na Linggo, September 1, 2019 hanggang September 15, 2019 ang ibinigay na palugit ng pamahalaang Lungsod sa mga nagmamay-ari ng mga tindahan sa Brgy. Turayong at sa ilan pang lugar sa poblacion upang tuluyan nang lisanin ang kanilang struktura bilang bahagi at pagtalima sa isasagawang road clearing operations.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Brgy. Kagawad Aniceto Dalingay, ito ay upang mapalawig pa ang mga daan sa mga pangunahing lansangan.
Aniya, wala namang dapat ipangamba ang mga tindera na maaapektuhan ng naturang operasyon dahil may ilalaan namang lugar para sa mga ito upang maipagpatuloy ang kanilang hanapbuhay.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Barangay District 1 sa pamunuan ng Cauayan South Central School na kung maaari ay maihanay sa kanilang vendors sa loob ng paaralan ang ilang tindera na maaapektuhan ng clearing operation.