Iligal na bentahan ng bakuna, posibleng scam o may kinalaman sa pulitika, ayon sa PNP

Maaring scam o may kinalaman sa pulitika ang ulat kaugnay sa iligal na pagbebenta ng bakuna.

Ito ang inihayag ni Philipine National Police (PNP) Chief PGen. Guillermo Eleazar batay na rin sa imbestigasyong isinasagawa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Anti-Cyber Crime Group (ACG).

Ayon kay Eleazar, mga partikular na indibidwal lang ang inalok ng umano’y nagbebenta ng slot ng bakuna na available umano sa mga tinukoy na Local Government Units.


Kaya posible aniyang target lang ma-scam ang mga inalok sa pamamagitan ng private message, o kaya ito ay para siraan ang vaccination program ng mga Local Government Unit ng mga kalaban sa pulitika.

Sa ngayon, ayon kay Eleazar tuloy ang imbestigasyon at siniguro nito na pananagutin ang mga nasa likod ng iligal na aktibidad na ito.

Hinikayat naman ng PNP Chief ang publiko na ipaalam agad sa kanila kung may nag-aalok ng bakuna sa pamamagitan ng private message upang maaksyunan agad ng mga otoridad.

Facebook Comments