Dapat na bantayan ng Department of Health (DOH) ang COVID-19 situation sa Iligan City, Lanao del Norte.
Ito ay matapos na makitaan ang lungsod ng biglaang pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, 22 bagong kaso ng COVID-19 ang naitala sa Iligan City na mas mataas pa sa bilang ng kasong naitala sa Quezon City kahapon.
Bukod dito, tumaas din sa 2.38 ang reproduction number o bilis ng hawaan ng COVID-19 sa lungsod mula sa dating 0.40.
Giit ni David, nakakabahala ito lalo’t nakapasok na sa bansa ang Omicron variant.
Nagbabala naman si David na posibleng magkaroon ng panibagong COVID-19 surge dahil sa Omicron variant kahit pa mataas na ang vaccination rate sa Metro Manila.
Kaugnay nito, inirekomenda ni David na higpitan muli ang mga protocol para sa local travel gaya ng pagre-require muli ng RT-PCR testing.
Dapat din aniyang iklian ang pagitan ng pagtuturok ng ikalawang dose at booster shot para agad na mabigyan ng dagdag na proteksyon ang mga tao mula sa posibleng epekto ng Omicron variant.