Cauayan City, Isabela – Humantong sa palitan ng putukan ng baril sa pagitan umano ng mga suspek at mga pulis ang isinagawang anti-illegal gambling operation sa Sitio Disiguit, Brgy. Gangalan, San Mariano, Isabela kahapon kung saan siyam sa humigit-kumulang tatlumpung suspek ang naaresto ng San Mariano PNP.
Sugatan ang isa sa mga suspek na si Randy Talosig, 33 anyos, isang magsasaka at residente ng Barangay Binatug ng nasabing bayan. Si Talosig ay nagtamo ng tama ng bala sa kanang balikat na kaagad namang itinakbo sa ospital. Ang iba pang mga suspek ay pawang mga residente rin ng bayan ng San Mariano.
Ayon sa mga otoridad, ang putok ng baril ay nagmula sa isang suspek na tumakas nang matunugan ang pagdating ng mga pulis kung kaya’t napilitang gumanti ng putok ang mga operatiba.
Kasalukuyan pa rin ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa naganap na insidente at inaalam pa ng San Mariano PNP ang pagkakakilalanlan ng iba pang suspek na nakatakas sa nasabing raid.
Samantala, kabilang sa mga nakumpiska ay walong manok na panabong, labimpitong piraso ng cockfighting blade o tari ng manok, bet money na nagkakahalaga ng Php 5,016.00 at anim na unit ng motorsiklo.
Ang siyam na suspek ay nakatakdang sumailalim sa Inquest Proceeding sa paglabag ng Republic Act 9287 o Illegal Gambling.