Illegal recruiter na kabilang sa Amor Baruelo Illegal Recruitment Syndicate, arestado

Parañaque City – Arestado ang isang babaeng illegal recruiter matapos ireklamo ng kanyang isang biktima na nakuhaan nya ng halagang isang daang libong piso sa Parañaque City.

Kinilala ang naarestong suspek na si Carolina Sareno, may asawa, may siyam na anak, walang trabaho, nagtatrabaho ang asawa bilang pedicab drayber.

Siya ay miyembro ng Amor Baruelo Illegal Recruitment Syndicate na libo-libo na ang nabibiktima.


Ayon kay PNP Anti-Transnational Crime Unit Chief Supt. Roque Merdeguia, alas-4:45 ng hapon kahapon ng ikasa ng mga tauhan ng CIDG Anti-Transnational Crime Unit ang isang entrapment operation sa tapat ng isang fast food chain sa Baclaran Parañaque City.

Si Sareno ay nakakuha na ng isang daang libong pisong sa kanyang biktima at humihingi pa ng pitongpu’t limang libong piso pero napag-alaman na ng biktima na siya ay niloloko na kaya nagsumbong sa pulisya.

Ang grupo ni Amor Baruelo ay maraming recruitment agency na naipasara na ng CIDG ATCU dahil sa kawalan ng lisenya pero marami pa ring mga tagong illegal recruiter gaya ni Carolina Sareno.

Pangako ng grupo ni Amor Baruelo sa biktima ay makakapagtrabaho sa Japan bilang isang factory worker at may sahod na 70 libong piso pataas.

Nahaharap naman sa kasong illegal recruitment at estafa ang naarestong illegal recruiter.

Payo naman ni Merdeguia sa mga gustong magtrabaho pumunta sa POEA at alamin ang mga lehitimong recruitment agency upang hindi mabiktima ng mga illegal recruiter.

Facebook Comments