Isinuko na ni Iloilo Rep. Richard Garin ang dalawa pang baril na natitira sa kanya.
Ang pagsasauli ng mga baril ay kasunod ng utos ng PNP na kanselahin ang lisensya ng mga baril ng mag-amang Mayor Oscar Garin at Cong. Garin matapos ang pambubugbog sa isang police officer.
Ang pagsuko ng baril ay ginawa kaninang umaga sa pamamagitan ng staff ng kongresista sa San Juan City Police Station.
Ayon kay Police Sr. Supt. Dindo Reyes, kabilang sa mga isinauli ng kongresista ang cal. 5.56 high-powered colt baby armalite at isang hand gun na cal.22 at mga bala at magazines.
Agad namang itinurn over sa Firearms and Explosives Division (FED) ng PNP ang mga baril.
Sa kabuuan mayroong 11 armas ang kongresista na naisuko na lahat habang ang ama nito na si Mayor Oscar ay walo ang armas kung saan lima pa lamang sa mga baril nito ang naisauli na sa PNP.
Matatandaan na matapos ang insidente at mula noong Sabado ay hindi batid ng mga myembro ng pamilyang Garin kung saan ang kinaroroonan ng mag-amang Garin.