Pinakikilos agad ni Senator Imee Marcos ang pamahalaan na gumawa ng hakbang para matugis at matigil na ang mga traders at smugglers sa pang-iipit at pananamantala sa suplay ng puting sibuyas.
Hiniling ni Marcos sa gobyerno na agad magsagawa ng masusing imbentaryo sa mga lokal na puting sibuyas upang malaman kung talagang may kakapusan ng suplay dulot ng mahinang ani noong tag-init.
Sa gagawing imbentaryo ay nais din na ipatugis ng senadora ang mga traders na bumibili ng puting sibuyas sa mga lokal farmers upang matiyak kung talagang itinatago lang sa cold storage ang mga nabibiling sibuyas.
Kung wala aniyang gagawing komprehensibong imbentaryo ay wala ring mabubuong patakaran sa importasyon na babalanse sa suplay at demand ng sibuyas at sa mga magsasakang nalulugi na sa pagbenta ng kanilang mga ani.
Sinasamantala rin ng mga smugglers ang kakulangan sa suplay dahil iniaalok sa mga restaurants ang mga imported na puting sibuyas na sampung beses na mas mataas ang presyo kumpara sa dati.
Inihirit din ni Marcos na magkaroon ng ‘contract-growing’ kung saan mangangako ang mga restaurants na bibilhin ang susunod na ani ng mga lokal na magsasaka para tiyak na ang suplay sa mga sangkap ng pagkaing ibinebenta at hindi na rin makakaporma ang mga smugglers dahil sa pinanghahawakang kontrata.