Nagpapatuloy ang imbestigasyon kay Police Lieutenant Colonel Jovie Espenido kaugnay sa pagkakasama nito sa drug list ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang iginiit ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson Police Brigadier General Bernard Banac.
Sa kabila ito na nilinis na ng Police Regional Office (PRO) 6 ang pangalan nito at sinabing wala itong kinalaman sa mga illegal drug transactions.
Sinabi ni Banac, kailangan pang dumaan sa National Adjudication Board ni Espenido para malaman kung sangkot nga ba ito o hindi sa illegal drugs.
Nauna nang sinabi ni PRO 6 Director Police Brigadier General Rene Pamuspusan na hindi sangkot ang pangalan ni Espenido sa iligal na droga batay sa hawak nilang datos.
Samantala, pagpapaliwanagin rin si Espenido dahil sa pagsasalita nito sa media sa kabila na may umiiral na gag order sa kanila habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.