Imbestigasyon ng CHR sa pagkamatay ng NDF consultant sa Negros, welcome sa AFP

Welcome para sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang planong imbestigasyon ng Commission on Human Rights (CHR) sa pagkamatay ng National Democratic Front (NDF) consultant na si Ka Ericson Acosta.

Si Acosta ay nasawi sa engkwentro sa pagitan ng militar at New People’s Army (NPA) sa Negros Occidental noong nakaraang linggo.

Ayon kay AFP Spokesperson Col. Medel Aguilar, ginagawa lamang ng CHR ang kanilang trabaho at handa ang AFP na ibigay ang kanilang buong kooperasyon sa imbestigasyon.


Sinabi pa ni Aguilar na katuwang ng AFP ang CHR para maitatak sa isip ng mga sundalo na mandato nilang sundin at igalang ang karapatang pantao.

Nagpahayag naman ng paniniwala ni Aguilar na hindi apektado ang morale ng mga tropa dahil suportado ng pamunuan ng AFP ang panig ng mga sundalo na namatay si Acosta sa lehitimong operasyon.

Una nang binigyang diin ni Aguilar na si Acosta ay hindi lang NDF consultant kundi armadong terorista na lider ng NPA sa Negros Island.

Facebook Comments