2 PATAY, 1 SUGATAN SA KARAMBOLA NG MGA SASAKYAN

Nasawi ang dalawang empleyado ng gobyerno habang sugatan ang isa pa matapos magkarambola ang tatlong sasakyan na kinabibilangan ng isang closed van, trailer truck at sedan kaninang madaling araw sa kahabaan ng national highway na sakop ng Barangay Bugallon Proper, Ramon, Isabela.

Ang mga nasawi ay kinilala na sina Karen Briones at Addison Kyle La-ao na kapwa empleyado ng Department of Agriculture (DA) Cordillera Administrative Region (DA-CAR) na sakay ng closed wing van habang ang sugatan naman ay si Tommy Timoteo na kanilang drayber na residente naman ng Itogon, Benguet.

Lumalabas sa imbestigasyon ng PNP Ramon na tinatahak ng closed van sakay ang tatlong biktima ang kahabaan ng national highway patungong South direction at ng makarating sa lugar ng pinangyarihan ng insidente ay sinalpok umano sila ng isang Toyota Vios na sedan na minamaneho ni Allan Mark Barroza, 34 taong gulang, walang asawa, negosyante at residente ng Bugallon Norte, Ramon, Isabela.

Dahil sa lakas ng salpukan, bumangga din ang closed van sa kasalubong na trailer truck na minamaneho ni Mark Andy Bago, residente ng Bantay, Solana, Cagayan.

Naitakbo pa sa ospital ang tatlong biktima ngunit kalaunay binawian din ng buhay.

Napag-alamang mabilis umano ang patakbo ng sasakyan ni Barroza at nakainom din ito habang nagmamaneho.



Nagtangka itong tumakas matapos ang insidente ngunit naaresto rin ng mga awtoridad.

Facebook Comments