Imbestigasyon ng mga Otoridad sa Pinaslang na Ahente, Patuloy pa rin!

UPDATE: Patuloy pa rin ang malalimang pagsisiyasat ng PNP Tumauini sa motibo ng pamamaril sa isang ahente sa Brgy. Arcon, Tumauini, Isabela.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay PO2 Joel Pamittan, imbestigador ng PNP Tumauini, pasado alas dos ng hapon, Marso 10, 2019 nang maganap ang pamamaslang kay Romeo Avendano Balabagan, 55 anyos, tubong Santa Fe, Agoo, La Union na tumutuloy sa bayan ng Tumauini.

Ayon kay PO2 Pamittan, isang gwardya ang kanilang kinukuhanan ng impormasyon matapos masaksihan ang ginawang pamamaril ng riding in tandem sa biktima habang ipinaparada ang kanyang motorsiklo sa isang pasyalan sa nasabing lugar.


Una rito, may kausap pa umano sa cellphone ang biktima bago ito pagbabarilin ng mga suspek na may suot na helmet lulan ang isang XRM na motorsiklo na agad tumakas sa hindi malamang direksyon.

Nagtamo ng dalawang tama ng bala ng Cal 38 ang biktima na sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Ayon pa sa imbestigador, kinuha ng mga suspek ang cellphone ng biktima dahil hindi na ito narekober ng mga otoridad na maaari sanang magamit sa kanilang imebestigasyon.

Kabilang rin sa kanilang iniimbestigahan ang kuha ng mga nakakabit na CCTV camera sa lugar upang matukoy ang mga suspek.

Nanawagan naman si PO2 Pamittan sa mga posible pang nakakita sa krimen na masadya lamang sa kanilang himpilan upang matulungan ang mga kapulisan sa paglutas sa nasabing krimen.

Facebook Comments