Cauayan City, Isabela- Nagpapatuloy pa rin sa ngayon ang ginagawang malalimang imbestigasyon ng pulisya kaugnay sa nangyaring pagdukot sa tatlong (3) kalalakihan sa Brgy. Sta. Rita, Aurora, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCapt Renz Marion Baloran, hepe ng PNP Aurora, kasalukuyan ang kanilang pagkalap ng mga impormasyon sa tatlong mga biktima na sina Gil Gazzingan, Alfredo Francisco at Joseph Allisan na pawang mga trabahador.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya sila sa iba pang mga himpilan ng pulisya para sa pagkakakilanlan at posibleng kinaroroonan ng mga suspek.
Magugunita na noong Huwebes ng tanghali, Enero 6, 2020 ay nagtungo sa lugar ang mga biktima upang maghakot ng palay nang biglang dumating ang puting Van at bumaba mula sa sasakyan ang anim na armadong kalalakihan at agad pinadapa at tinutukan ng matataas na kalibre ng baril ang mga biktima.
Ayon naman kay Ginoong Froilan Carabbacan na kasamahan ng mga nadukot, nagulat na lamang ito dahil bigla silang hinintuan ng puting Van na sakay ng mga armadong kalalakihan na nagpadapa at nanutok sa kanila ng baril.
Dagdag pa niya, tinatayang nasa mahigit anim na kalalakihan ang mga suspek dahil mayroon pa aniyang kulay pulang sasakyan na kasama ng puting Van.
Mahigpit na rin ngayon ang pagbabantay ng PNP Aurora sa kanilang buong nasasakupan.