Ayon kay Senate President Tito Sotto III, prerogative ng pangulo na hindi padaluhin ang mga myembro ng gabinete sa pagdinig ng Senado ukol sa pagbili ng pamahalaan ng hinihinalang overpriced na medical supplies.
Pero diin ni Sotto, hindi mapipigilan ang Senado na gampanan ang kanilang tungkulin na bantayan ang mga proyekto at paggastos ng gobyerno sa pera ng taumbayan.
Giit naman ni Blue Ribbon Committee Chairman Senator Richard Gordon, maituturing na inciting to sedition kung pipigilan ni Pangulo Rodrigo Duterte ang gabinete na dumalo sa Senate hearings.
Naniniwala si Gordon na kaya tutol si Pangulong Duterte na magpatuloy pa ang Senate investigation ay dahil madidiin ito sa pagkakasangkot ng kanyang dating economic adviser na si Michael Yang.
Malaki ang posibilidad para kay Gordon na dummy lang ang Pharmally Pharmaceutical Corporation at ang nasa likod nito ay si Yang na pinagkakitaan ang pandemic funds dahil malamang nagkaroon ng mga ghost deliveries.
Binanggit din ni Gordon na hindi siya takot sa banta ni Pangulong Duterte na pagkampanya laban sa kanya lalo’t wala pa naman syang idinedeklarang tatakbuhan sa 2022 elections.
Hindi naman na ikinagulat ni Senator Leila de Lima ang pagbabawal ni Pangulong Duterte kay Health Secretary Francisco Duque III at iba pang myembro ng gabinete na dumalo sa pagdinig ng Blue Ribbon Committe.
Diin ni De Lima, buking na ang Chinese BFF ni Pangulong Duterte na si Michael Yang at ang iba pang mga taga-Davao na kasapakat nito.
Giit naman ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan, kung walang tinatago at walang anomalya ay hindi dapat matakot humarap sa Senate hearing ang mga myembro ng gabinete ni Pangulong Duterte.