Imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa overpriced na laptops, umarangkada na

Iniratsada na ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon nito kaugnay sa binili ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) at Department of Education (DepEd) na overpriced at mabagal na laptops para sa mga public school teachers.

Bago magsimula ang pagdinig, sinabi ni Committee Chairman Francis Tolentino na aalamin sa imbestigasyon kung may iligal sa procurement o pagbili ng mga laptop gayundin ay kung sino ang nakinabang dito.

Humarap ngayon sa pagdinig ng blue ribbon sina dating Education Secretary Leonor Briones habang virtually naman humarap sa hearing si dating Budget Undersecretary at dating PS-DBM Head Lloyd Christopher Lao.


Sa pagsisimula ng pagdinig ay nakiusap si Lao na ma-excuse sa pagdinig dahil hindi na aniya siya ang PS-DBM Executive Director noong May 1, 2021 nang bilhin ang overpriced na laptops.

Pero hindi pumayag si Tolentino dahil karamihan ng mga dokumento sa pagbili ng mahal na laptops ay may pirma o nakalagda si Lao.

Matatandaan sa pinakahuling report ng Commission on Audit (COA) ay na-flagged ang ₱2.4 billion na biniling overpriced na laptops ng DepEd sa pamamagitan ng PS-DBM para sa mga public school teachers.

Ang bawat laptops ay overpriced ng ₱23,254 o nabili ang mga gadgets na ito sa presyong ₱58,300 pero ang orihinal na presyo ay nasa ₱35,046.

Facebook Comments