Imbestigasyon sa Lalaking Binaril Habang Nagmamaneho, Nagpapatuloy

Cauayan City, Isabela- Kasalukuyan pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng PNP San Mariano sa pamamaril sa isang lalaki kahapon habang nagmamaneho sa kahabaan ng brgy. Minanga sa nasabing bayan.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Police Staff Sergeant Rogelio Ignacio Jr., imbestigador ng PNP San Mariano, kanyang sinabi na hindi pa aniya tukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan ng riding in tandem na salarin na bumaril kay Edwin Dancel, nasa hustong gulang, magsasaka at residente ng Brgy. Sevillana, Benito Soliven, Isabela.

Batay sa unang pagsisiyasat ng otoridad, bandang alas 5:00 ng hapon nang bumaybay sa kalsada ang biktima lulan ang minamanehong motorsiklo kasama ang angkas na kinilalang si Edgardo Aggabao, 44 taong gulang, may asawa, magsasaka na residente naman ng Brgy. Old San Mariano, Isabela.


Galing sa brgy. Alibadabad ang biktima at habang bumabagtas sa kalsada ang mga ito partikular sa pababang bahagi ng daan ay biglang sumulpot ang riding in tandem suspects at pinagbabaril ang ulo at katawan ng drayber ng motorsiklo ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril.

Dead on the spot si Dancel matapos magtamo ng dalawang tama ng bala sa ulo at isang tama sa dibdib.

Ayon pa sa imbestigador, mayroon nang nakuhang kopya ng CCTV footage ang pulisya at isasama pa ito sa kanilang pagsisiyasat.

Nagpapatuloy rin ang ginagawang manhunt operation ng kapulisan laban sa riding in tandem suspects at motibo ng mga salarin sa pamamaril.

Facebook Comments