Manila, Philippines – Itinutulak muli ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na ikalendaryo na ang imbestigasyon ng Kamara sa mga kaso ng extra-judicial-killings kaugnay sa kampanya kontra iligal na droga.
Nabuhay ang panawagan na ito ng MAKABAYAN matapos ang pagkakapatay sa Grade 11 student na si Kian delos Santos na napagkamalang drug user sa Oplan Galugad ng PNP Caloocan.
Nauna ng nakapaghain noong isang taon pa ng House Resolution 259 si Zarate para imbestigahan ang mga kaso ng EJKs at vigilante killings pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nasisimulan ng Kamara.
Ipinasasama ni Zarate sa imbestigasyon na ito ang pagpaslang sa batang biktima ng war on drugs ng pamahalaan.
Taliwas aniya sa sinasabi ng mga pulis na drug user si delos Santos, iba ang ipinapakita ng CCTV footage at ang sinasabi ng mga nakasaksi.
Giit ng mambabatas, nakakagalit ang ganitong ginagawa ng pulis sa kanilang Oplan Double Barrel at hinikayat ang mga matitinong pulis na magsalita at tutulan ang ganitong klaseng operasyon.