Manila, Philippines – Bukod kay Senator Manny Pacquiao ay naghain din ngayon ang mga senador na bumubuo sa minorya ng hiwalay na resolusyon na nag-aatas sa blue ribbon committee na imbestigahan ang pagpuslit sa bansa ng 6.8 billion pesos na shabu.
Sa Senate Resolution Number 849 ay idiniin na nalusutan ang Bureau of Customs o BOC ng malaking bulto ng ilegal na droga na dumaan sa Manila International Container Port (MICP) laman ng magnetic filters.
500-kilos sa nabanggit na shabu ay nasabat mismo sa MICP ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA habang nadiskubre naman sa isang warehouse sa GMA, Cavite ang ilan pang magnetic lifters na wala ng laman.
Ipinaalala din sa resolusyon ang 6.4-billion pesos na halaga ng shabu mula China na nakalusot din sa BOC noong May 2017.
Giit ng opposition senators, nakakabahala ngayon ang pagkalat sa bansa ng tone toneladang ilegal na droga na nakakalusot sa BOC.
Kabilang sa mga nakalagda sa resolusyon sina Opposition Senators Bam Aquino, Risa Hontiveros, Kiko Pangilinan, Bam Aquino, Leila De Lima at lider nilang si Senator Franklin Drilon.