Manila, Philippines – Isinusulong ngayon ng liderato ng Senado na mabuksang muli ang imbestigasyon sa pagpatay kay dating Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa.
Ayon kay Senate President Koko Pimentel, ito’y para papagpaliwanagin ang Department of Justice hinggil sa naging basehan nito sa pag-downgrade ng kaso ng 19 na pulis na sangkot sa krimen.
Hihingin din nila sa DOJ ang mga counter affidavits na isinumite nina Supt. Marvin Marcos para alamin kung iba ito sinabi noon ng mga pulis sa senate hearing.
Kahapon, pormal nang inihain ni Senador Bam Aquino ang resolusyon para imbestigahan ang naturang hakbang ng DOJ.
Giit ni Aquino, dapat na magpaliwanag si DOJ Sec. Vitaliano Aguirre lalo’t malinaw naman sa findings ng National Bureau of Investigation at sa pagdinig ng Senado na planado at sinadya.