Imbestigasyon sa Pagpatay sa dating Mayor, Konsehal at 2 iba pa, Iniutos ng PRO2

Cauayan City, Isabela- Agarang ipinag-utos ni PRO2 Regional Director PBGen. Crizaldo Nieves ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon matapos ang nangyaring pananambang sa apat (4) na katao kabilang ang dating alkalde at kasalukuyang konsehal na si Marjorie ‘Jaling’ Salazar sakay ng kanyang SUV sa Barangay Ignacio B. Jurado, Lasam, Cagayan.

Kabilang rin sa mga nasawi sa pananambang ang isa pang konsehal na si Eduardo Asuten, 67-anyos; driver nito na si John Rey Apil, 24-anyos at kanyang sekretarya na si Aiza Manuel, 31-anyos na kapwa residente naman ng Brgy. Callao Sur sa naturang bayan.

Dakong alas-11:30 kaninang umaga ng mangyari ang pananambang sa mga biktima matapos paulanan ng bala ng baril ang kanilang sasakyan na sanhi ng kanilang pagkamatay.


Isang kulay asul na sasakyan (Hyundai Accent) at puti (Toyota Wigo) na walang plaka ang kaagad na tumakas papalayo sa lugar patungo sa kanlurang direksyon ng Centro Lasam.

Samantala, ipinag-utos naman ni Cagayan PPO Provincial Director PCol. Ariel Quilang ang pagbuo sa Special Investigation Task Group (SITG) na pangungunahan ng CIDG na siyang tututok sa insidente ng pananambang sa dalawang opisyal.

Sa kasalukuyan, nagsasagawa ng manhunt operation ang mga awtoridad para matukoy ang nasa likod ng karumal-dumal na pamamaril sa mga biktima.

Facebook Comments