Imbestigasyon sa Pamamaril sa Mag-ina sa Bayan ng Alicia, Nagpapatuloy

Cauayan City, Isabela- Patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng Alicia Police Station sa nangyaring pamamaril sa Brgy. Aurora ng nasabing bayan sa Lalawigan ng Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj Ardee Tion, hepe ng pulisya, nagpapagaling na sa isang ospital sa Lungsod ng Santiago ang mag-inang biktima na sina Jermey Evans, 27 taong gulang, at Karmella Austria, 1 taong gulang na kapwa residente ng of Barangay Aurora.

Ayon sa hepe, nagtamo ng apat na tama ng bala ng baril ang nanay ng bata habang natamaan rin ng stray bullet ang anak nito na nasa loob ng sasakyan.


Hindi pa rin aniya matukoy ng pulisya kung ano ang talagang motibo ng riding in tandem na mga suspek na nakasuot ng face mask at helmet.

Sinusuri na rin ngayon ang mga CCTV na malapit sa pinangyarihan ng insidente bilang bahagi ng kanilang pagsisiyasat.

Hiniling naman nito ang kooperasyon ng sinuman na maaaring makapagbigay ng karagdagang impormasyon para sa mas mabilis na imbestogasyon ng kapulisan at nang maresolba ang insidente sa lalong madaling panahon.

Matatandaang bigla na lamang pinagbabaril ng riding in tandem ang mag-ina habang sila ay paalis sa kanilang bahay.

Samantala, nakatakda nang ideklara ng PDEA Region 2 na Drug Cleared Municipality ang bayan ng Alicia at inaasahan na ito sa mga susunod na buwan.

COVID-19 free na rin ngayon ang bayan ng Alicia matapos magnegatibo na sa virus ang mga naitalang nagpositibo.

Facebook Comments