Pinaglalatag ni BHW Partylist Rep. Angelica Natasha Co ng agarang solusyon ang Philippine General Hospital (PGH).
Ang rekomendasyon ng kongresista ay bunsod ng nangyaring sunog sa ikatlong palapag ng PGH noong Linggo.
Isa sa mga iminungkahi ni Co ay ang paggamit ng malalaking container vans na maaaring gamitin bilang pansamantalang pasilidad ng ospital.
Maaari aniyang iayos ito para makabuo ng temporary facility at sa loob lamang ng ilang araw o linggo ay maaari na itong magamit.
Aniya, pwedeng itayo ang temporary facility na ito sa parking lot ng UP-PGH compound.
Inirekomenda rin ni Co na isang option ay ang maghanap ng kalapit na gusali na maaaring paglipatan at paglagakan muna ng mga non-essential o least essential na gamit.
Magkagayunman, mangangailangan muna ang UP-PGH na makapagsecure o makahanap ng gusali na boluntaryong ipapagamit na pasilidad ng ospital.
Sa huli, kinalampag ni Co ang pamahalaan partikular ang Kongreso na bigyan ng pondo para sa bagong pasilidad ang PGH at iba pang public hospitals.