Manila, Philippines – Itinakda sa susunod na Linggo ang pagdinig tungkol sa pag-determina sa ‘sufficient in substance’ sa impeachment complaint laban sa pitong Justice ng Korte Suprema.
Bago matapos ang pagdinig sa impeachment complaint ngayong araw, itinakda ni House Committee on Justice Chairman Doy Leachon sa September 11, sa ganap na alas 9:30 ng umaga ang susunod na hearing sa impeachment case sa mga Mahistrado.
Dito ay tutukuyin at pagbobotohan kung ‘sufficient in substance’ o kung may sapat na merito ang reklamo laban kina Chief Justice Teresita de Castro at Justices Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Francis Jardeleza, Noel Tijam, Andres Reyes Jr., at Alexander Gesmundo.
Sakaling madetermina kung may sapat na ‘substance’ ang impeachment complaint, susunod namang tutukuyin dito kung may ‘probable cause’ ang reklamo.
Kanina sa botong 21-0 ay kinakitaan ng sapat na porma ang reklamo laban sa mga Justices.
Ang reklamo ay nag-ugat sa ginawang pagpapatalsik kay dating CJ Maria Lourdes Sereno sa pamamagitan ng quo warranto petition na inihain ng Solicitor General kung saan iginiit na sinasagaan ng Hudikatura ang kapangyarihan ng Kamara na magpatalsik ng isang impeachable official.
Ang grounds ng impeachment complaint ay culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust.