Hinimok ni House Committee on Transportation Vice Chairperson Edgar Sarmiento ang Department of Transportation (DOTr) na ipagpaliban muna ang implementasyon ng cashless toll system.
Ito ay hangga’t hindi pa nareresolba ang mga isyu sa pagpapatupad ng radio-frequency identification (RFID) system.
Sa isang panayam, sinabi ni Sarmiento na sumulat na siya kay DOTr Secretary Arthur Tugade para pakiusapang iurong ang implementasyon ng cashless toll payment sa January 1, 2021.
Ibig sabihin aniya, bubuksan pa rin ang cash lane pero pakonti-konti lang.
Samantala, ayon sa mambabatas, bukas ang businessman na si Ramon Ang, ang presidente ng San Miguel Corporation na concessionaire ng South Luzon Expressway (SLEX) na ipatupad ang cashless toll payment sa Pebrero ng susunod na taon.
Mula November 2, una nang iniurong nitong December 1 ang pormal na implementasyon ng bagong sistema ng pagbabayad sa mga toll gate na layong maiwasan ang physical contact sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Pero naglagay pa rin ng dedicated lanes para sa pagkakabit ng RFID tags sa mga toll plaza kahit matapos na ang deadline nito sa January 11, 2021.
Punto pa ni Sarmiento, sa 6.1 milyong sasakyan sa Metro Manila, Region III at CALABARZON, tatlong milyon pa lang ang nakakabitan ng RFID tags.
Iminungkahi rin ng mambabatas na inspeksyuning mabuti kung gumagana ang mga RFID machine readers para maiwasan ang aberya.
Una nang nanawagan ang DOTr sa mga toll operator na paigtingin ang off-site RFID installations ng mga ito sa mga mall, gas stations at iba pang strategic location nang sa gayon ay hindi na kailanganin pang magtungo at pumila ng mga motorista sa toll gates para magpakabit ng RFID.