Implementasyon ng GCQ with granular lockdown and alert level system sa Metro Manila, tuloy na tuloy na sa Setyembre 16, 2021

Wala nang atrasan pa ang pagpapatupad ng General Community Quarantine (GCQ) with granular lockdown and alert level system sa National Capital Region (NCR) sa darating na Setyembre 16, 2021.

Sa presscon sa Malakanyang sinabi ni DILG Usec. Epimaco Densing, na pilot pa lamang ito at kapag naging maganda ang kinalabasan ay ipatutupad din sa iba’t ibang panig ng bansa.

Aniya, magiging 2 na lamang ang quarantine classifications na paiiralin sa kalakhang Maynila.


Ito ay ang GCQ with granular lockdown and alert level system at ECQ o hard lockdown na magiging last resort na ng pamahalaan.

Sa pagpapatupad ng GCQ with granular lockdown and alert level system, kaakibat nito ang paghihigpit tulad ng ang papayagan lamang lumabas kapag naka-granular lockdown ang isang lugar ay ang mga medical health workers, inbound at outbound OFWs at ang mayroong medical emergencies.

Habang ang iba pang APOR ay papayagang lumabas pero hindi na muna pahihintulutang makabalik.

Ang DSWD at national government na aniya ang bahala sa pagbibigay ng makakain at iba pang ayuda sa mga residenteng mailalagay sa granular lockdown.

Samantala kapag nasa ilalim ng Alert Level 4 ang isang lugar, bawal ang mga closed, crowded at close contact activities tulad ng religious gathering, dine in at al fresco.

Sa ilalim ng Alert Level 3, 30% ng ilang aktibidad ang pinahihintulutang makapag-operate, ang Alert Level 2 naman ay 50% at kapag Alert Level 1 ay ito na ang magiging ‘new normal’ kung saan bukas ang halos lahat ng negosyo pero dapat ay nakatatalima parin sa health protocols.

Facebook Comments