Implementasyon ng K-12 program ng pamahalaan, ipinatitigil ng Kabataan party-list

Ipinatitigil ng Kabataan Party-list sa administrasyong Duterte ang implementasyon ng K to 12 program ng Department of Education.

Ito’y matapos ibunyag ni Commission on Higher Education Chairman Prospero De Vera ang ilang problema sa transition program gaya ng pagkabinbin ng mga proyekto at kawalan ng probisyon para sa sahod ng project-based researchers.

Giit ng Kabataan sa Kamara, hindi K to 12 ang sagot sa bumabagsak na kalidad ng edukasyon sa bansa dahil lalo pa nitong pinalala ang problema.


Kung may nagawa man aniya ang programa, ito ay ang pag-eksperimentuhan, pagkakitaan, pahirapan at paasahin ang mga kabataan dahil bukod sa dagdag na taon sa pag-aaral ay nadagdagan rin ang bayarin.

Paliwanag pa ng kongresista, milyun-milyong mag-aaral ang napilitang yakapin ang sistema ngunit sa halip na gumanda ang kalidad ng edukasyon ay naging mailap pa ang oportunidad sa trabaho.

Kaugnay nito ay inihain ng Kabataan Party-list sa Kamara ang siyam na resolusyon kabilang ang pagpapatigil sa K to 12 program.

Facebook Comments