Implementasyon ng Safe Spaces Act, pinapa-imbestigahan sa Kamara

Pinaiimbestigahan ni House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon Party-list Representative Bernadette Herrera sa Kamara kung naipatutupad nang maayos at epektibo ang Safe Spaces Act o ang Republic Act 11313.

Ang hirit na imbestigasyon ay nakasaad sa House Resolution No. 2260 na inihain ni Herrera kasunod ng sexist at gender-based na pahayag ng ilang kandidato sa 2025 Midterm Elections.

Binanggit ni Herrera na layunin ng ikakasang pagdinig ng Kamara na madetermina kung may malinaw na protocols at sapat na kapangyarihan ang kaukulang ahensiya tulad ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), Commission on Elections (Comelec) at mga lokal na pamahalaan.


Ito ay para mag-imbestiga, makatugon, at magpataw ng parusa sa mga public official at politiko na lumalabag sa batas.

Giit ni Herrera, dapat mapalakas ang batas upang mapanagot ang mga public figures na nagsusulong o nagsasagawa ng sexual harassment at diskriminasyon.

Facebook Comments