Pinaiimbestigahan ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto sa Department of Agriculture (DA) ang report na 12-pesos lang kada kilo binibili ng mga negosyante ang palay sa ating mga magsasaka.
Dismayado si Recto dahil mukhang mas mahal pa ang presyo ng face mask kumpara sa bagong ani na mga palay sa bansa.
Ayon kay Recto, sa napakababang presyo ng palay ay lugi ang mga magsasaka dahil hindi nila mababawi ang ginastos sa pagtatanim o produksyon.
Binigyang diin pa ni Recto, na ang kita sa palay ng mga magsasaka ang nakakapagpasigla sa maraming rural economy at pambawi sa dumaming nawalan ng trabaho sa urban areas.
Babala ni Recto, kapag hindi ito maagapan ay baka maging plantito at plantita na lang ang mga rice farmer kung nakikita nila na mas mahal ang bentahan ng mga halaman kumpara sa palay.