Pagdedebatehan na sa Senado ang panukalang batas na magbibigay daan upang makapagpatayo ng imprastraktura para sa liquified natural gas (LNG) sa bansa na papalit sa Malampaya gas field.
Kasunod ito ng pag-endorso ng Committee on Energy na pinamumunuan ni Senator Win Gatchalian sa Senate Bill No. 2203 na nagtatakda ng pagkakaroon ng legal at regulatory framework sa pagtatatag ng Midstream Natural Gas Industry Development Act.
Tinitiyak ni Gatchalian na tugon ang kanyang panukala sa kinatatakutang malawakang brownout sa Luzon na maaaring mangyari kung tuluyan nang masaid ang isinusuplay na enerhiya ng Malampaya.
Ayon kay Gatchalian, apektado rito hindi lang ang mga sambayanan kundi pati ang mga industriya na maaaring mag-iwan ng malaking puwang sa ekonomiya ng bansa.
Diin ni Gatchalian, ang kanyang panukala ang magbibigay daan sa potensyal ng natural gas lalo na ang liquified natural gas bilang isa sa mga pangunahing mapagkukunan ng suplay at masiguro ang katatagan ng enerhiya sa bansa.