Hinikayat ni Ms. Charlene Joy Quintos, SK Federation President ng Lungsod ng Cauayan sa kapwa opisyales na kabataan lalo na sa mga SK Kagawad na kung hindi na kaya ang obligasyon ay mas mainam na magresign na lamang.
Ayon kay Charlene Joy Quintos, kung hindi na maharap ang responsibilidad bilang SK ay ipaalam lamang anya sa SK Chairman upang mabigyan ng ibang pagkakataon ang iba pang kabataan na nais maglingkod sa lugar.
Aniya, nasa inisyal na 40 barangay sa Lungsod ang kulang sa SK Kagawad na kailangang punan sa nalalapit na Special Election ngayong buwan ng Enero ngunit maaari pa aniyang madagdagan ang bilang nito kung may mga aatras sa mga nahalal na SK.
Dagdag pa ni Quintos, maraming mga proyekto ang dapat na maisagawa at matutukan ng mga opisyales kaya’t mas mainam rin anya na aktibo ang lahat ng mga SK Chairman at Kagawad para sa pagsasakatuparan ng mga proyekto.