Ina ng COVID-19 victim na Natagpuang Nakabigti, May paglilinaw sa totoong nangyari sa Anak

Cauayan City, Isabela- Nilinaw ng pamilya ang kanilang panig kaugnay sa pagkakatagpo sa wala ng buhay na nakabigting katawan ng kanilang kaanak noong linggo sa isang bakanteng lote sa Brgy. Mambabanga, Luna, Isabela.

Kinilala ang biktima na isang 39-anyos at COVID-19 patient na sinasabing tumakas mula sa isolation facility ng LGU.

Sa panayam ng iFM Cauayan sa ina ng biktima na itinago sa pangalang Mercedez, walang katotohanan ang sinasabing nakauwi sa mismong tahanan nila ang biktima gayundin ang kumakalat na impormasyon na ipinagtabuyan umano nila ang biktima dahil sa takot na mahawaan ang kanyang mga anak.


Aniya, walang ina na pandidirihan ang kanilang anak lalo pa’t sa ganitong sitwasyon ang lagay ng kanyang anak na positibo sa virus.

Dahil dito, kaliwa’t kanan umano ang ginagawang pambabatikos sa kanilang pamilya at humantong pa sa puntong sinabihan ito ng walang kwentang ina subalit kanyang iginiit na mahal niya ang kanyang anak lalo pa’t tutok siya sa paghahanap dito ng mabalitaan ang sinasabing pagtakas sa pasilidad.

Sa naging panayam naman ng iFM Cauayan kay PCapt. Joesbert Asuncion, hepe ng PNP Luna, lumalabas sa kanilang imbestigasyon na pagpapakamatay ang ginawa ng biktima base na rin sa ebidensyang natagpuan nila na isang ‘suicidal note’.

Aniya, may nakapagsabi rin sa pulisya na nakauwi pa umano ang biktima sa kanyang tahanan kung kaya’t mas pinaigting nila ang paghahanap para agad na maibalik sa pasilidad ang nasabing biktima subalit hindi inasahan ang pagkadiskubre sa nakabigting katawan nito sa isang puno.

Samantala, duda umano ang ina ng biktima sa pagkamatay ng kanyang anak dahil sinasabi nitong may dalawang katao ang paulit-ulit na naghahanap sa biktima doon mismo sa lugar ng kanilang kaanak sa bayan ng Cabatuan.

Pero ayon sa hepe ng pulisya, may mga taong nagtulong-tulong para hanapin ang biktima sa posibleng lugar na pwede nyang puntahan.

Kaugnay nito, sinabi rin ng ina ng biktima na maging ang manugang nito ay nakaranas ng depresyon na nagbabalak din umano na kitilin ang buhay dahil sa sinapit ng kanyang mister.

Tanging hiling ng pamilya ang tulungan silang mapanatag ang kalooban mula sa sinasabi nilang bangungot sa pagkamatay ng mahal sa buhay.

Facebook Comments