Cauayan City, Isabela- Natagpuan ang isang karton na hinihinalang naglalaman ng bomba sa pambansang lansangan bandang 6:55 kaninang umaga sa Brgy. Namamparan, Diadi, Nueva Vizcaya.
Ayon kay PCAPT. Felix Mendoza, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang concerned citizen na may isang karton ang kahina-hinalang itinapon sa highway na nagdulot ng pagkatakot sa mga residente.
Aniya, nakaimprenta kasi ang katagang ‘CPP-NPA-NDF Hindi Mabubuwag at Bomba’ kaya’t nagdulot ng pangamba ang nasabing laman nito.
Agad na sinuri ng mga tauhan ng Explosive Ordinance Disposal (EOD) Team ang karton hanggang napag-alaman na sari-saring basura lang pala ang laman ng nasabing kahon.
Sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, isang nakamotorsiklo at kasama nito na pinaniniwalaang supporter ng NPA ang nag-iwan ng kahon batay na rin sa mga nakakitang residente habang pananakot lang ang nakikitang intensyon ng makakaliwang grupo ukol dito.
Ito ang unang insidente sa lugar na may nag-iwan ng kahon para lang takutin ang mga residente habang patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil dito.