Cauayan City, Isabela – Ligtas na nakuwi sa kanilang tahanan sa Brgy. Malasin, City of Ilagan ang OFW na si Rochelle Asuero mula sa Amman, Jordan.
Nauna rito ay dumulog ang pamilya ni Asuero sa tanggapan ng migrant desk ng PESO City of Ilagan para sa pang aabusong naranasan ni Rochelle bilang DH. Ayon sa salaysay ng OFW, hindi siya regular na pinapakain ng kanyang amo. Dalawang beses lamang sa maghapon siya kumain. Wala din siyang sapat na pahinga at tulog. Ayon pa kay Asuero, alas 7 ng umaga siya nagsisimulang magtrabaho at natatapos ito sa ala una ng madaling araw at muli siyang gigising ng alas 6 ng umaga. Hindi siya umano pinasahod sa buong buwan ng September.
Nakakaranas din umano siya ng verbal abuse dahil sa madalas na pagmumura ng kanyang amo at pinagbabantaan siyang saktan. Dagdag pang salaysay ni Rochelle na mula sa kanyang unang amo ay ipinasa siya sa nanay nito. Madalas din umano siyang manghina dahil sa gutom at pagod sa trabaho.
Dahil dito ay agad na umaksyon ang migrant desk ng PESO Ilagan at nakipag sa OWWA at DFA na agad namang tumugon.
Sa ngayon ay kasama na ni Rochelle Asuero ang kanyang pamilya sa Malasin, City of Ilagan. Kaninang Umaga ay nagtungo siya sa tanggapan ng PESO Ilagan para personal na magpasalamat.