Manila, Philippines – Ayon kay Senator Panfilo “Ping” Lacson, inalok ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Senator Gringo Honasan ang pamumuno sa Department of Information and Communication Technology o DICT anim na buwan na ang nakalilipas.
Sabi ni Lacson, agad hiningi ni Honasan hinggil dito ang opinyon at payo nila ni Senate President Tito Sotto III.
Inilahad ni Lacson na ang una nilang ipinayo kay Honasan ay palitan na ang kanyang luma o jurassic na cellphone unit ng bago at mas high-tech.
Kwento ni Lacson, naisa-pormal ang napipintong pagtatalaga kay Honasan sa DICT nang silang tatlo ay makipag-kita kay Pangulong Duterte sa Davao City noong nakalipas na dalawang linggo.
Binanggit din ni Lacson na inaasahang matatanggap ni Honasan ang nominasyon para sa bagong posisyon sa susunod na linggo para hindi niya kailanganing magbitiw agad sa Senado hangga’t hindi nakukumpirma ng Commission on Appointments.
Nakakatiyak si Lacson na mami-miss niya si Senator Honasan na kasama niya sa grupong tinatawag nilang macho bloc at palagi din niyang kasama sa mga isinasagawang pagdinig.