Nagbabala si incoming Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo sa mga fixers sa pondo ng indigency program na lisanin na ang DSWD compound pagsapit ng June 30.
Partikular na binalaan ni Tulfo ang mga fixer na nagpoproseso ng mga pekeng pangalan para makakubra ng assistance para sa Pantawid Pamilya Program at sa Assistance for Individual in Crisis.
Nangako si Tulfo na ipapaaresto ang mga fixer dahil isang panloloko ang kunwari ay pagtulong ng mga ito.
Sa halip aniya na mapunta ang pondo ng gobyerno na laan sa mga karapat- dapat na benepisaryo, napupunta ito sa mga ilegal na aktibidad.
Ginawa ni Tulfo ang babala matapos siyang makipagpulong kay outgoing Secretary Orlando Bautista.
Sa naturang paghaharap ay muling inulit ni Tulfo ang paghingi ng paumanhin kay Bautista na namura niya noong bagong upo itong DSWD secretary.
Kabilang sa mga napag-usapan sa pulong ay ang mga hakbang na ipapatupad upang mabawasan ang mahabang pila ng mga humihingi ng tulong sa DSWD.