Tutol si incoming Department of Finance (DOF) Secretary Benjamin Diokno sa mungkahing taasan ang buwis ng mga Pilipino para makabayad sa mga utang ng bansa.
Ayon kay Diokno, dapat pagbutihin ng pamahalaan ang pagkolekta ng buwis.
Iginiit ni Diokno na dapat maging patas ang tax system sa bansa para maengganyo ang publiko na magbayad ng buwis.
Nabatid naman na aabot sa mahigit P200 bilyong ang plano pang utangin ng Bureau of Treasury bago matapos ang Duterte administration.
Sinabi ni Diokno na hindi masamang mangutang ang Pilipinas, basta’t nagagamit sa tama ang inutang na pera.
Samantala, hindi naman tutol si Diokno sa panukalang patawan ng buwis ang mga pinakamayayaman sa bansa kung ipapasa ng Kongreso.
Kailangan din aniya na mapalakas ang ekonomiya ng bansa na posibleng lumago ng 7% ngayong taon.