Ipinasisilip ngayon ni Secretary Eduardo Del Rosario ang posibilidad na napasok na rin ng mga komunista ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).
Ayon sa DHSUD Chief, hindi malayong ma-infiltrate ng makakaliwang grupo ang bagong tatag na ahensya lalu pa’t ang mandato nito ay mangasiwa sa pagkakaloob ng murang pabahay sa mga pamilya ng informal settlers.
Ang sektor aniya na ito ay malimit na vulnerable sa communist propaganda at sa kanilang recruitment.
Ginawa ni Del Rosario ang pahayag sa isinagawang orientation ng task force kung saan tinalakay ang infiltration ng Communist Party of the Philippines (CPP), New People’s Army (NPA), National Democratic Front of the Philippines (NDF) sa mga sangay ng gobyerno.
Layon umano ng mga ito na makapangalap ng confidential information hinggil sa programa at polisya ng gobyerno, at upang makapag-access sa pondo ng pamahalaan.
Gayunman, tiniyak ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na sa ngayon ay malinis ang DHSUD sa CTG infiltrators.