Inflation rate ng bansa, inaasahang walang pagbabago ngayong Oktubre ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas

Inaasahan ng Bangko sentral ng Pilipinas (BSP) na walang pagbabago o mananatili pa rin ang lagay ng halaga ng mga goods and services sa bansa.

Sa pahayag ng BSP Department of Economic Research Projects, posibleng nasa 1.9 hanggang 2.7% ang inflation rate ngayong October o mananatili sa 2.3% gaya noong buwan ng Setyembre.

Ayon naman kay BSP Governor Benjamin Diokno, halos kaparehas lamang ang resulta noong Setyembre at ang Philippine Statistics Authority (PSA) ang maglalabas ng inflation figures sa darating na Nobyembre 5, 2020.


Sinabi pa ni Diokno na ang pagtaas ng singil sa kuryente, LPG at presyo ng langis ang dahilan ng pagtaas ng halaga ng mga bilihin pero nagbawas naman sa presyo ng singil sa tubig ang mga water concessionaire kaya’t halos balanse lamang ang naranasang gastusin sa buwan ng Oktubre.

Base naman sa datos ng PSA, nagkaroon din ng pagbaba sa presyo ng well milled rice habang tumaas naman ng ilang sentimo ang halaga ng regular milled rice.

Dahil dito, patuloy na oobserbahan ng BSP ang lagay ng ekonomiya at kaunlaran ng bansa para masigurong manananatili at maaabot nila ang balanse at katatagan ng paglago ng ekonomiya.

Facebook Comments