INFLATION RATE SA PILIPINAS, UMABOT SA 7.8 PERCENT NOONG OKTUBRE; EPEKTO NG PATULOY NA PAGTAAS NG PRESYO NG MGA BILIHIN, RAMDAM NG MGA MAMIMILI SA DAGUPAN CITY

Ramdam na ramdam ng mga mamimili ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at gastusin, kasunod ng pagsirit sa 7.8% ng inflation rate noong Oktubre.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority o PSA, mas mataas ito kumpara sa naitalang inflation rate noong Setyembre ng kasalukuyang taon.

Isa sa mga lubos na apektado nito si Myrna Marzan, na hindi napigilang maging emosyonal habang ikinukuwento ang hirap na kanilang nararanasan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin sa kuryente.

Ayon kay Marzan, bilang isang dishwasher sa isang kainan sa Dagupan City, hindi na sapat ang kaniyang kinikita upang matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya.

Dahil dito, napipilitan silang pagkasyahin ang limitadong sahod, maging sa pagbili ng pagkain na sapat lamang para sa kanilang pangangailangan sa loob ng isang araw.

Samantala, tiniyak naman ni Natalia Dalaten, DTI Assistant Regional Director, na patuloy ang kanilang pagbabantay sa presyo ng mga pangunahing bilihin, lalo na ngayong papalapit ang pagdiriwang ng Bagong Taon.

Layunin din umano nilang mapanatili ang katatagan ng presyo ng mga bilihin hanggang Disyembre 2026.

Sa kabila nito, nanawagan si Marzan sa pamahalaan na higit pang tutukan ang patuloy na pagtaas ng presyo upang makahanap ng agarang solusyon sa paghihirap ng mga ordinaryong manggagawa at mamimili.

Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng inflation, umaasa ang mga mamimili na hindi lamang pangako ang kanilang maririnig mula sa pamahalaan, kundi mga konkretong hakbang na magbibigay-ginhawa sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments