KAMPANYA LABAN SA ILEGAL NA SIGARILYO, PINAIGTING SA SAN QUINTIN; MAHIGIT ₱170K HALAGA NG PRODUKTO, WINASAK

Mahigit ₱170,000 na halaga ng mga ilegal na sigarilyo ang boluntaryong isinuko at tuluyang winasak kasunod ng isinagawang joint anti-illicit cigarettes operation sa Public Market ng San Quintin, Pangasinan noong Nobyembre 7.

Pinangunahan ang operasyon ng isang awtorisadong service provider ng Philippine Tobacco Institute o PTI, katuwang ang San Quintin Municipal Police Station.

Sa isinagawang inspeksyon, tinukoy ang mga sigarilyong walang Bureau of Internal Revenue o BIR tax stamps, Graphic Health Warnings at iba pang kinakailangang marka na itinakda ng batas.

Siyam na uri ng sigarilyo ang boluntaryong isinuko ng mga tindahan, kabilang ang ilang pakete, reams at cases ng isang brand na nagkakahalaga ng tinatayang ₱81,480.

Ayon sa lokal na pamahalaan, maaaring maharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act ang mga mahuhuling nagbebenta at namamahagi ng mga ilegal na sigarilyo.

Matapos ang operasyon, tuluyang winasak ang mga nakumpiskang sigarilyo sa San Quintin Municipal Police Station sa presensya ng mga kinatawan ng naturang service provider. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments