Muntik na raw ikalunod ng isang social media influencer ang paglangoy niya sa ilalim ng yelo para sa ginagawang TikTok video.
Ibinahagi ni Jason Clark — na mayroon ng higit 400,000 followers sa naturang app — ang video ng paglangoy niya sa nagyeyelong lawa sa Laketown, Utah sa US.
“I ever been this close to dying,” saad ni Clark sa Instagram kung saan mayroon naman siyang 32,000 followers.
Kuwento ng TikTok star, plano niyang languyin ang magkabilang dulo habang kinukuhanan siya ng kasama niya mula sa itaas — ngunit makikita sa video na nahirapan siyang balikan ang dinaanan niya.
Kinakapos na raw sa hininga at wala na ring makita si Clark nang mga sandaling kinakapa kung nasaan ang pinasukang butas.
Hindi naman napagtanto ng kumukuha ng video na seryoso na ang sitwasyon dahil inakala umano nitong nagloloko-loko lamang si Clark.
Bagaman muntik nang ikamatay ang nangyari, sinubukan niya pa rin itong ulitin, pero siniguro niya raw na mas malaki na ang butas.
“Second attempt went a little better. You have to try it twice!” aniya.