Hinimok ni Senator Sherwin Gatchalian ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na paghusayin ang information dissemination campaign patungkol sa pag-iisyu ng mga taxpayer ng invoice kapalit ng official receipt (OR) sa ilalim ng Ease of Paying Taxes Act (EOPT).
Kasunod na rin ito ng direktiba ng pamahalaan na kung saan ang lahat ng mga taxpayer na gumagamit ng manual official receipts ay pinag-iisyu na lamang ng mga invoices at mahaharap sa multa o pagkakakulong ang hindi susunod dito.
Magkagayunman, hindi malinaw ang utos na ito sa mga taxpayer kaya umapela ang Chairman ng Committee on Ways and Means na ayusin ang pagpapakalat ng impormasyon tungkol dito upang maging well-informed ang publiko sa pagbabago.
Hiniling ni Gatchalian na ang lahat ng aplikasyon at komunikasyon ng mga taxpayer sa BIR ay maaaring gawin sa pamamagitan ng online at hindi dapat obligahin ang mga taxpayer na magpunta pa sa mga BIR branch para sa pagbabayad ng kanilang mga buwis.
Bukod dito, iginiit din ng mambabatas na payagan ang mga negosyo na gamitin pa rin ang kanilang existing OR booklets nang walang expiration.
Dagdag pa ni Gatchalian, hindi dapat maging dagdag gastos at pasanin sa mga maliliit na negosyo ang implementasyon ng naturang batas.