Information drive campaign sa COVID-19 vaccine, hiniling sa Kamara na umpisahan na

Hinikayat ni Deputy Speaker Neptali “Boyet” Gonzales II ang pamahalaan na simulan na ngayon ang malawakang information campaign drive para sa COVID-19 vaccine.

Giit ni Gonzales, habang nasa yugto pa ang bansa ng paghihintay sa pagdating ng bakuna ay dapat na samantalahin ng Department of Health (DOH) ang paglulunsad ng educational campaign drive para bigyang kaalaman ang publiko sa COVID-19 vaccine.

Ito aniya ang tamang panahon para maliwanagan ang taumbayan sa katotohanan at maialis ang mga maling paniniwala at maling impormasyon patungkol sa safety at efficacy ng bakuna.


Babala ni Gonzales, mababalewala lamang ang bilyon-bilyong pisong inilaan ng gobyerno para sa COVID-19 vaccine kung ang karamihan naman sa mga Pilipino ay ayaw magpabakuna dahil sa takot bunsod ng kawalan ng impormasyon at kaalaman sa advantages kapag nabigyan nito.

Dagdag pa ng kongresista, kapag ginawa ang information drive sa COVID-19 vaccine ay tiyak na makakamit ng pamahalaan ang target na herd immunity at mas malaki ang tsansang makabalik agad ang bansa sa normal.

Facebook Comments