INIHAYAG | Grupo ni Ocampo, ginagamit ang mga Lumad para makalikom ng foreign donations – AFP

Ginagamit lang ng grupo ni dating Bayan Muna Representative Satur Ocampo ang mga Lumad para makalikom ng pondo mula sa mga foreign donors.

Ito ang inihayag ni AFP Public Affairs Office Chief Colonel Noel Detoyato.

Ayon kay Detoyato ang aktibidad ni Satur Ocampo sa Talaingod Davao del Norte kung saan ito inaresto sa umano ay tangkang pag-kidnap sa 14 na menor de edad na mag-aaral, ay bahagi lang ng mas malawak na operasyon ng CPP-NPA na tinatawag na “Lumad schools”.


Kabilang dito ang Salugpongan Ta’Tanu Igkanogon Community Learning Center, Mindanao Interfaith Services Foundation Inc. Academy.

Pinatotohanan ng mga tribal elders sa isang press conference na mga NPA ang nagpapanggap na mga guro sa mga paaralang ito, para makundisyon ang utak ng mga kabataan.

Sinabi naman ni Detoyato na Bukod sa brainwashing at recruitment activities ng CPP-NPA sa mga paaralang ito, ginagamit ng grupo ni Satur at iba pang front organizations ng CPP-NPA ang mga paaralan na pang-pronta sa mga international donors para makalikom ng pondo.

Tinukoy ni Detoyato, ang mga grupong Bayan Muna, Anakpawis, Alliance of Concerned Teachers (ACT), Gabriela at Kabataan na umano ay nang-hihikayat ng mga walang-malay na dayuhan na mag-donate sa mga paaralan sa pamamagitan ng International Solidarity Movement.

Facebook Comments