Manila, Philippines – Inihayag ng Department of Budget and Management (DBM) na inaasahang 10,000 bagong police officer 1 position ang madaragdag sa puwersa ng Philippine National Police (PNP) dahil sa 3 bilyong pisong proposed budget ng PNP para sa susunod na taon.
Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, sa pagdaragdag ng pulis ay magiging 1 is to 505 population ang ratio ng PNP na malapit na sa ideal ratio na 1:500.
Sinabi ni Diokno na layon ng pamahalaan na palakihin pa ang bilang ng mga pulis upang mas maging epektibo ito sa pag laban sa kriminalidad sa bansa.
Ibinida pa ni Diokno na ang madaragdag na 10 libong bagong PNP personnel sa susunod na taon ay makatatanggap din ng mataas na sweldo base narin sa Congress Joint Resolution number 1 na inilabas noong Enero ng taon na ito.
Bukod aniya sa PNP ay naglaan din ng pondo ang Pamahalaan para madagdagan ang bilang ng mga kawani ng Bureau of Jail Management and Penology o BJMP at Bureau of Fire Protection o BFP.
3000 posisyon aniya ang mabubuksan para sa Fire officer 1 kung saan nakapag laan na ng 803 million pesos na budget habang 2000 jail officer 1 naman ang madaragdag sa susunod na taon na mayroong 576 million pesos.