Inilatag na seguridad ng PNP sa mga bus terminal, paliparan at pantalan, inispeksyon

Kasabay ng inaasahang Holy Week exodus o pagdagsa ng mga pasahero na uuwi sa mga probinsya, inispeksyon ngayon araw ni PNP Chief General Oscar Albayalde ang mga bus terminal, paliparan at pantalan.

Unang pinuntuhan ni Albayalde ang Araneta Center Bus Terminal sa Cubao, Quezon City kung saan partikular na sinilip nito ang inilatag na seguridad ng mga pulis.

Nabatid na aabot sa mahigit 60 pulis ang naka-deploy ngayon sa nasabing bus terminal upang umalalay at siguraduhin ang kaligtasan ng mga pasahero.


Sa ambush interview, tiniyak ni Albayalde na nakahanda na ang 91,000 na mga pulis sa buong bansa kung saan kontento naman siya sa mga ipinapatupad na seguridad ng mga ito.

Isusunod ni Albayalde na iinspeksyunin ang mga paliparan at pantalan sa Metro Manila.

Samantala, inilarga na rin ang “Oplan Semana Santa” ng Land Transportation Office (LTO) upang gabayan sa kaligtasan ang mga motorista na bibiyahe sa mga probinsya ngayong Holy Week.

Pinayuhan ng LTO ang mga motorista na suriin bago bumiyahe ang baterya, langis at ilaw ng sasakyan.

Kasabay nito, umapela ang Malacañang sa publiko na suportahan ang ginagawang pagtiyak ng mga ahensya ng gobyerno para seguridad ngayong Semana Santa.

Facebook Comments