*Cauayan City, Isabela- *Inutusan na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang ECC Enjoy Shopping Corporation na magbayad ng halagang P392,000.00 sa dalawampu’t walong apektadong trabahor nito na kumakatawan sa under payment sa sahod, holiday pay at over time pay.
Ito ay matapos maipaabot sa DOLE ang hinaing ng 28 empleyado ng ECC hinggil sa hindi pagbibigay ng kanilang Chinese National na manager na si Anthony Sy sa kanilang 13th month pay, holiday pay, overtime pay at tamang sahod.
Sa eksklusibong panayam ng RMN Cauayan kay Labor Sec. Silvestre “Bebot” Bello III, inatasan din ng DOLE ang ECC na magsumite ng mga dokumento na may kaugnayan sa kanilang 28 na trabahador.
Nilinaw naman ni Bello na hindi umaabot sa anim na buwan ang pag-aksyon sa mga inirereport ng mga nagrereklamo.
Ito ay may kaugnayan sa idinulog na hinaing ng mga nagreklamong empleyado ng ECC dahil una nang na-ireport noong May 2018 sa DOLE Ilagan City ang pang-aabuso ng kanilang boss subalit kahapon lamang umano napirmahan ang kanilang compliance order.
Tiniyak naman ni Sec. Bello na maaaksyunan agad ang naturang hinaing at pinaalalahanan nito ang lahat ng mga manggagawa na huwag matakot lumapit at magsumbong sa DOLE kung inaagrabyado na ng employer.