Manila, Philippines – Inirekomenda ni Magdalo Partylist Representative Gary Alejano ang pagtatatag ng komisyon na magbibigay solusyon sa problemang kinakaharap ng Bureau of Customs (BOC).
Ayon kay Alejano, dapat na bumuo ng komisyon para pag-aralan ang mga maaaring ‘long-term solution’ partikular na sa problema sa mga nakakalusot na iligal na droga.
Hindi sang-ayon ang dating sundalo sa pagsasailalim sa kontrol ng militar sa BOC.
Aniya ang desisyon ni Pangulong Duterte ay labag sa konstitusyon kung saan nakasaad na hindi pinapayagan na maitalaga sa isang civilian position sa gobyerno ang isang myembro ng armed forces na nasa aktibong serbisyo.
Giit pa ng mambabatas, ang paglalagay ng militar sa BOC ay lumalayo na sa mandato ng AFP na depensahan ang teritoryo ng bansa.
Pinuna pa ng kongresista na limitado na nga ang pwersa ng mga sundalo sa bansa ay ino-overstretched pa ang mga ito dahil sa mga dagdag na tungkulin na hindi na sakop ng AFP.