INOSENTE | Malacañang, binigyang diin na wala silang kinalaman sa desisyon ng SEC sa Rappler

Manila, Philippines – Inihayag ng Palasyo ng Malacañang na walang silang kinalaman o papel sa naging desisyon ng Securities and Exchange Commission o SEC na tanggalan ng lisensiya ang Rappler.

Ito ang sinabi ng Malacañang sa harap na rin ng ispekulasyon na dahil sa pagiging kritikal ng Rappler sa administrasyong Duterte kaya umabot sa kanselasyon ng kanilang lisensiya.

Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, iisa lamang ang commissioner ng SEC na appointee ni Pangulong Rodrigo Duterte at ang iba pang commissioner hanggang sa chairman ay itinalaga ni dating Pangulong Noy-Noy Aquino.


Sinabi din ni Roque na tinawagan siya ni Pangulong Duterte para sabihin na wala siyang alam sa naging desisyon ng SEC at sumama aniya ang loob ng Pangulo dahil sa kanya isinisisi ang nangyari sa Rappler.

Binigyang diin ni Roque na ang desisyon ng SEC ay bilang pagsunod sa kanilang mandato na ipatupad ang mga batas at sumunod sa saligang batas na nagsasabi na dapat ay 100% ng pag-aari ng mga media entities sa buong bansa at mga Pilipino.

Itinuturing namang panggigpit ni Maria Ressa, Chief Executive Officer ng Rappler, ang desisyon ng SEC.

Ayon kay Ressa, lalabanan nila ang desisyon at pinaplano na ng kanilang mga abogado ang mga susunod na hakbang.

Facebook Comments