Ayon sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, nakatanggap umano ang kanilang himpilan ng reklamo ukol sa pagkawala umano ng isang tricycle at isang single motor na pinaniniwalaang, ninakaw.
Bilang resulta agad na nagsagawa ng operasyon ang POSD katuwang ang PNP Cauayan upang matukoy at mahanap kaagad ang mga nawawalang mga sasakyan.
Makalipas ang apat na araw, natunton at narekober rin ang isang Honda Click sa bahagi ng San Fermin, Cauayan City, Isabela.
Ayon kay POSD, maaring hindi umano ninakaw ang motorsiklo, kundi nakalimutan lamang ng drayber kung saan nito ipinarada.
Samantala, narekober rin kaagad ang isang kolong-kolong na ayon sa nag report ay ninakaw umano mismo sa kaniyang garahe.
Kalaunan’y napag-alaman na kinuha pala mismo ng 14-anyos na pamangkin upang magtungo sa Banchetto.
Narekober ang nasabing kolong-kolong matapos na mahuli ang pamangkin ng mga kawani ng POSD at HPG na driving without license, menor-de-edad, at nasa impluwensya pa ng alak.
Sa takot umano ay iniwan na lamang umano nito ang traysikel ngunit kalaunan’y umamin rin.
Kaugnay nito, nagpaalala sa publiko ang PNP, POSD, at HPG, na nag doble ingat lalo at nasa yuletide season na at posibleng dumami ang mga insidente ng nakawan sa syudad.
Samantala, nangako naman ang hepe na mas pag-iigtingin nila ang kanilang ginagawang pagbabantay sa mga lansangan upang mapanatili ang seguridad at kaayusan sa lungsod ng Cauayan.