Cauayan City, Isabela- Sinimula na ng Department of Agriculture ang first-ever Swine Repopulation Program sa Cagayan Valley ngayong araw, May 14, 2021.
Pinasimulan mismo ang programa ng National Livestock Program (NLP) at DA Regional Field Office No. 02 kung saan nagsimula na ang forum na dinaluhan ng 77 attached agencies ng DA, Land Bank of the Philippines, Provincial Veterinarians, Hograisers at farmer leaders.
Ipinaliwanag naman ni DA Undersecretary for Livestock William Medrano ang repopulations program ng ahensya o mas kilala bilang Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE).
Positibo naman si Medrano sa naging deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na isailalim sa State of Calamity ang bansa dahil sa outbreak ng African Swine Fever.
Aniya, naniniwala ito na muling makakarekober ang swine industry sa loob ng 3-4 taon.
Naghain naman ng P30 billion budget proposal ang kagawaran sa ilalim ng Bayanihan III kung saan gagamitin ito bilang suporta sa industriya.
Kaugnay nito, tuloy naman ang koordinasyon ng DA region 2 sa mga provincial government para sa mahigpit na pagbabantay sa pagpapatupad ng “Bantay ASF sa Barangay” sa mga barangay level.
Dahil dito, iniulat rin ng ahensya ang pagtukoy sa pagbili ng stocks for repopulation program.
Ayon kay DA Regional Director Edillo, regular pa rin ang monitoring at surveillance sa buong rehiyon kasama ang Bureau of Animal Industry at National Meat Inspection Service at mga lokal na pamahalaan
Sa ilalim ng INSPIRE program, nakasaad dito ang ilang insurance at loan with low interest na ipahihiram ng Land Bank of the Philippines (LBP), Development Bank of the Philippines (DBP) and Agricultural Credit and Policy Council (ACPC) at insurance program sa pamamagitan ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) para sa pag-avail ng commercial at backyard raisers.